GuidePedia

0
Final verdict: House committee rejects ABS-CBN's franchise renewal




Ibinasura ng House Committee on Legislative Franchises ang panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Ito ay matapos makakuha ng majority vote ang ipinasang resolution na binuo ng technical working group (TWG) na hindi pumapabor sa franchise renewal ng media network.

Sa 85 present committee at ex-officio members, 70 ang bumoto ng ‘Yes’, 11 ang ‘No’, habang may isang nag-abstain, at mayroong dalawang nag-inhibit.

Bunsod nito ay mananatiling off the air na ang media network dahil sa kawalan ng prangkisa.

Maaari pa rin naman i-apela ng network sa komite ang desisyon o maghain ng panibagong prangkisa pagkatapos ng 18th Congress.

Ilan sa mga isyu na binusisi ng Kamara na umano’y paglabag ng ABS-CBN sa kanilang prangkisa ay ang citizenship ng chairman emeritus nito na si Gabby Lopez, pagkakaroon ng 50 year limit sa prangkisa, legalidad ng pagbabalik ng ABS-CBN sa mga Lopez matapos ang Martial Law, pag-iisyu ng Philippine Depository Receipts, Tax at Labor Law Compliance, pagpapalabas ng mga programa sa kanilang TV plus, at political bias noong 2016 national elections.

Dahil naman dito, ay maaaring maigawad sa iba ang frequency na hawak ng ABS-CBN.

Samantala, mayroon pang ilang resolusyon na may kaugnayan sa usapin ng ABS-CBN franchise na hiwalay namang diringgin ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Kabilang na riyan ang hindi pagtupad ng NTC sa nauna nitong pahayag na bibigyan ng provisional franchise ang ABS-CBN, ang umano’y pag-impluwensiya ng Office of the Solicitor General sa desisyon ng NTC at iba pa.









Post a comment Blogger

 
Top